Taong 1986 nang mapatalsik sa pamamagitan ng isang mapayapang pag-aklas ang diktadurang Marcos. Ang kaganapang ito, na tinagurian natin sa ating kasaysayan bilang “EDSA Revolution,” o “People Power Revolution” ay pinuri sa pagiging mapayapa, na kung saan halos walang dumanak na dugo (Thompson, 1995). Ang larawang lumitaw ay ang mga nakangiting mukha ng mga tao, mga madre at paring nakikapit-bisig sa militar, at mga batang may hawak na bulaklak na inialay sa paanan ng mga tangkeng pandigma na sa una ay handang bumuga ng tinggang apoy na papatay na sana sa mga inosenteng mamamayan subalit napipi at nagpalukob sa isang pag-aklas na kakaiba at naging isa pa ngang pang-madlang piging.
Bagama’t meron ding mga imahen ng karahasan, malinaw na umiral ang isang maayos na kaganapan. Malayong-malayo ito sa mga nangyari sa ibang bansa katulad ng Ehipto at Libya na kung saan dumanak ang dugo at kung saan ang mga naghihingalong rehimen, sa huli nitong mga hininga, ay nagpakawala ng dahas sa mga naglakas-loob na hamunin ang kanilang mga abusadong kapangyarihan. Hindi sa pinupuri ko si Marcos, subali’t sa kabila ng karahasang umiral sa mahabang panahon ng kanyang panunungkulan, sa huling sandali ng kanyang rehimen ay mapayapa niyang tinanggap ang hatol ng bayan. Kung meron pa ngang karahasang nangyari, ito ay nakita sa umaalimpuyo at nangangalit na damdamin ng mga taong sumugod sa Malakanyang at pinagtatapakan ang mga larawan at iba pang nagpa-alala sa kanila ng diktadurang pinalayas, Subalit malinaw na ang mga ito ay itinutok lamang sa mga anino at bakas na iniwan ng gumuhong rehimen, at hindi sa kapwa Pilipino. Walang nakitang malawakang pagnanakaw, o kaguluhan, kahit na sa mga panahong ang balangkas at pamunuan ng pamahalaan ay di pa tiyak. Umiral ang kaayusan, kahit na ang mga kaganapan sa mga sandaling iyon ay nagbadya ng kaguluhan.
Ang likas na pag-iral ng kaayusan sa lipunang Pilipino sa gitna ng naka-ambang kaguluhan ay muling nakita noong 2009, kung kailan nanalasa ang bagyong Ondoy na nagdulot ng matindi at malawakang pagbaha sa Metro-Manila at mga karatig pook, at nitong 2013 nang humagupit ang malakas na bagyong Yolanda. Sa gitna ng trahedya, na kumitil sa daan-daang buhay at sumira sa milyun-milyong ari-arian, ang muling lumitaw ay ang mga mukha ng Pilipino na bagama’t nakaharap sa krisis ay handa pa ring ngumiti kahit na nahihirapan.
Kabilang sa mga larawan na nagpakita ng ganitong kakanyahan ng Pilipino ay ang mga taong bagama’t lubog na sa baha, o kaya ay nasa gitna ng mga nasirang ari-arian, at ng labis na pait dulot ng mga nasawing mahal sa buhay, ay nakahanap pa rin ng pagkakataong tumawa. Naroong nakuha pang ipagdiwang ang kaarawan ng isang kapamilya, o ang kumaway at ngumiti sa kamera ng telebisyon habang pilit na sumusuong sa maruming tubig, o sa mga nasirang mga bahayan, patungo sa kaligtasan. Nakita natin ang napakaraming mga taong handang dumamay kahit sa di-kakilala sa panahon ng pangangailangan. Ang kawalan ng presensya ng pamahalaan ay hindi naging balakid upang ang pamayanan ay kumilos at alagaan ang kanilang kapwa. Bagkus, ang ordinaryong mamamayan, sa tulong ng internet at ibang makabagong teknolohiya, ay tumugon upang punan ang puwang na iniwanan ng isang pamahalaang tila nagulat at hindi kaagad nakapamahala, o kaya naman ay pinigilan ng kawalang kahandaan na pinalala ng katiwalian at bangayan ng mga magkatunggaling panig sa pulitika. Muli, sa gitna ng nakaambang panganib, at sa di-tiyak na kamay ng isang pamahalaang mahina, ang kaayusan ay napanatili.
Ang mga ito ay mga matitingkad na patunay na nakatahi na sa ating kamalayan ang likas na kakayahang mapanatili ang isang uri ng kaayusang panlipunan na labas at hindi sakop ng dalumat ng isang matatag na estado. Ito ay isang katotohanang pilit binubura o kaya ay pinapawalan ng saysay ng mga kanluraning konsepto at teyoriya sa Agham Pampulitika na patuloy iniaasa ang kaligtasan at kaunlaran ng ating bansa sa isang matatag na estado ayon sa mga kanluraning pamantayan.
Marami nang pagtatangka na dalumatin ang pulitika at mga kaakibat nitong proseso na gamit ang mga katutubong lente. Nangunguna na rito si Remigio Agpalo, sa kanyang pagsasalarawan ng pulitika sa Mindoro Occidental bilang kawangis ng sayaw na pandanggo sa ilaw (1969), at ang kanyang paghain ng pamumunong ayon sa dalumat ng “pangulo” (1981). Ang litaw sa mga pagdadalumat na sumunod sa yapak ni Agpalo ay ang patuloy na pagtutok sa pamumuno at sa kultura ng pamunuan, kagaya ng mga sinulat ni Lupdag (1984), Jocano (1990), ng Education for Life Foundation (1997) at ni Cabochan (2012). Ang iba naman ay mga pag-aaral sa mga pulitikal na ugnayan, institusyon at prosesong nangyayari sa mga lokal na pamayanan sa bansa, katulad ng sinulat ni Kerkvliet (1991 at 1995), Alejo atbp. (1996), Alejo (2000) at Soon (2008)
May pag-aaral din na kung saan mas tahasang ginamit ang mga lente ng kapwa at loob sa pagsuri ng uri ng pamumuno ayon sa mga talumpati ng mga naging Pangulo, na sinulat ni Taguibao (2013). May pag-aaral na rin tungkol sa pulitika na iniugnay sa katutubong pagdalumat na isinagawa ni Ramon Guillermo sa kanyang pagsusuri sa pantayong pananaw ni Zeus Salazar sa konteksto ng dalawang konseptong pulitikal, ang “himagsikan” at “rebolusyon.” (Guillermo, 2009a).
Ang hamon ngayon sa Agham Pampulitika ay harapin ang isang teyoritikal na adhikain, na maghanap ng mga katutubong dalumat kung paano ba natin pinapanatili ang ating kaayusang pulitikal na gagamiting saligan ang mga naratibo ng pagsakatutubong napanday na sa ibang larangan—ang Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya at pantayong pananaw—upang harapin ang kolonyal at kanluraning konsepto ng pulitika, at ng Agham Pampulitika.
Mga Nabanggit na Sanggunian
Agpalo, R. (1981). The Philippines: From communal to societal pangulo regime. Philippine Law Journal, 56(1), 56-98.
Alejo, A. (2000). Generating energies in Mount Apo: Cultural politics in a contested environment. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Alejo, M., Rivera, M. & N. Valencia. (1996). [De]scribing elections: A study of elections in the life-world of San Isidro. Quezon City: Institue of Popular Democracy.
Cabochan, G. (Ed.). (2012). Forging Management Excellence on the Anvil of Culture (Pananagutan, Malasakit, Bayanihan, Pakikipagkapwa). Quezon City: Philippine Management Association of the Philippines at Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.
Education for Life Foundation. (1997). LIDER: Pamunuang bayan: Karanasan, katanungan at kinabukasan. Quezon City: Education for Life Foundation.
Guillermo, R. (2009a). Pantayong pananaw and the history of Philippine political concepts. Kritika Kultura, 13, 107-118.
Jocano, F. (1990). Management by Culture. Quezon City: Punlad Research House.
Kerkvliet, B. (1995). Toward a more comprehensive analysis of Philippine politics: beyond the patron-client, factional framework. Journal of Southeast Asian Studies, 26, 401-419.
Lupdag, A. (1984). In Search of Filipino leadership. Quezon City: New Day Publishers.
Soon, C. (2008). Politics from below: Culture, religion and popular politics in Tanauan City, Batangas. Philippine Studies, 56(4), 379-384.
Taguibao, J. (2013). Ang kapwa, loob at ugnayang pulitikal ng pangulo at mamamayan batay sa pagsusuri ng mga talumpati ng pangulo mula 1986 hanggang 2013. DIWA E-Journal, 1(1), 110-143.
Thompson, M. (1995). The anti-Marcos struggle: personalistic rule and democratic transition in the Philippines. New Haven: Yale University Press.
Image Sources
- EDSA 1 http://antipinoy.com/wp-content/uploads/2011/02/edsa_talo.jpg.
- EDSA 2 https://bongmendoza.files.wordpress.com/2012/02/edsa1-people-with-soldiers.jpg.
- ONDOY 1 http://lh5.ggpht.com/_A8iHLQeKHso/SsFXpNr_EFI/AAAAAAAAA5M/__vavapZDlg/s800/ondoy027.jpg.
- Yolanda http://entertainment.inquirer.net/files/2013/11/Yolanda-victims-1116.jpg.
- Filipino Spirit http://www.davaoeagle.com/wp-content/uploads/2013/11/typhoon-yolanda.jpg.
Additional Resources
Gordon, W. (1976). The Politics of Class and Class Origin: The Case of the Cultural Revolution. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1207
Majul, C.A. (1996). The Political and Constitutional Ideas of the Philippine Revolution. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=257
Cortes, R.M. (ed). (1999). Philippine Presidents : 100 Years. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=686
Intal, P.S. Jr. & Habaradas, R.B. (eds.) (2005). Reflections on Philippine Development Challenges and Governance. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1021
Ateneo Center for Social Policy and Public Affairs. (1992). Philippine Politics and Society. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1219
World Council for Curriculum and Instruction Philippines. (1987). Active Non-Violence in Action: The Philippine Experience. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1223
Abueva, J.V. & Roman, E.R. (eds.) The Post-EDSA Constitutional Commissions (1986-1992) : Self Assessments and External Views. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1224
Mercado, M.A. (ed.) (1986). People Power: The Philippine Revolution of 1986: An Eyewitness History. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1228
Ferrer, M.C. (ed.) (1997). Civil Society Making Civil Society. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1241
Romulo, B.D. (1987). Inside the Palace: The Rise and Fall of Ferdinand & Imelda Marcos. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1344
De Dios, A.J., Daroy, P.B., & Tirol, L.K. (1988). Dictatorship and Revolution: Roots of People’s Power. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1346
Timberman, D.G. (1991). A Changeless Land: Continuity and Change in Philippine Politics. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1353
Reforma, M. A. & De Guzman, R.P. (1988). Government and Politics of the Philippines. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1354
Marcos, F.E. (1977). The Democratic Revolution in the Philippines. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1359
Aquino, B.A. (1998). The Transnational Dynamics of the Marcos Plunder. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1360
De Quiros, C. (1997). Dead Aim: How Marcos Ambushed Philippine Democracy. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=1364
Atienza, M.E.L. (2013). Introduction to Philippine Politics: Local Politics, the State, Nation-building, and Democratization. Retrieved from http://lynchlibrary.pssc.org.ph/cgi-bin/koha/opac-detail.pl?biblionumber=2341